Gabi na ng matapos ang pakikipagpulong ni Yabs na nakaantala sa isang Sabado na kanyang hinintay ng kay tagal. Tatlong linggo din siyang hindi naka-labas ng gabi dahil sa nagpatong-patong na katungkulan bilang manunulat at baguhang litratista. Sinabi niya sa sarili "Poo-cha, mamamatay na ako kung di pa ako makalabas ngayong gabi!"
Nagmamadaling pumunta si Yabs sa paradahan ng Baguio Cathedral upang kunin ang kanyang kotse na dalawang buwan nang hindi nalilinis. Inilagay ang kanyang kamera, mga lente at ang tungko sa likod ng sasakyan, pagkatapos ay matulin na nagmaneho papauwi. "Ano kaya ang susuotin ko?" napaisip si Yabs. "Dapat talaga nag-laba na ako nung Martes e... tsk tsk tsk... Bahala na."
Dumating siya sa kanilang tahanan at dali-daling inakyat ang bawat baytang ng hagdanan papunta sa kanyang silid. Ibinaba ang mga gamit at pumunta sa banyo upang maligo. Sira ang pampainit ng tubig, kaya't napilitan si Yabs na maligo ng mala-yelong tubig. Nagsabon, nagkuskos at sinabay na din ang pagsipilyo. Pagakatapos ay napansin ni Yabs na wala siyang dalang tuwalya... Nanginginig siyang tumakbo papasok ng kuwarto, binuksan ang aparador at kumuha ng tuwalya.
Matapos magpatuyo at maglagay ng pamawing-amoy, naghanap na ng susuotin at naghandang lumabas si Yabs. Pumunta siya sa kanyang paboritong serbeserya at nag-umpisang uminom kasama ang kanyang mga kaibigan. Sa karurukan ng kanyang pag-inom, biglang nakaramdam ng kirot sa tiyan si Yabs. Sumulak ang kanyang sikmura, pangitain na siya'y gutom. "Syet... Syet talaga..." sabi ni Yabs. "Nagugutom ako. Nakalimutan ko palang kumain sa sobrang pagaasam na lumabas ngayong gabi!"
Tumingin sa paligid si Yabs. Nakita ang bilihan ng shawarma, agaran siyang pumunta sa puwesto at bumili. Sa bawat kagat ng magkahalong karne ng baka at manok, siya'y napa-ngiti. "SSSSSaraaaaappp..." kanyang sambit sa sarili. Ang saktong lasa at linamnam ng shawarma ang pumawi sa kanyang gutom. Kagat shawarma, lunok. Inom ng serbesa, lunok. Kagat, Inom, Lunok...
Matapos lamunin ang shawarma ay umakyat siya muli sa serbeserya upang kumuha muli ng maiinom. Napadaan siya sa tindahan ni manang at naka-kita ng kornik. "Hmmmm... Masarap yata ang Boy Bawang ah..." kanyang naisip. "Manang, isa nga pong napaka-sarap na Boy Bawang." sabi ni Yabs. Kagat, Nguya. Nguya, Nguya, Nguya, Nguya, Lunok (nguya). "Ayaaaaaaan, solb! Balik na sa inom!"
Pagkakuha ng panibagong serbesa, lumabas si Yabs beranda at doon uminom. Napansin niyang itinuturo siya ng kanyang kaibigan sa isang magandang dalaga. Tinuwid niya ang kanyang tayo and hinintay na lumapit ang maalindog na babae sa kanya.
"Hi, So you're Yabs huh? Can I get you a drink so we can talk?" sabi ng babae.
"MaderPakkerrrh... Inglisera. Sosyal ah." inisip ni Yabs. Sabay sagot sa babae, "No, I'm cool... I already have a drink."
"Whut did ya say sweetie? The music's so loud I can't hear you!" paliwanag ng babae habang papalapit ang mukha kay Yabs.
Huminga ng malalim si Yabs, binukasan ang bibig at: "I said..." Dighay, ubo, dighay ulit... umalingasaw ang amoy ng shawarma at Boy Bawang. Takip ng ilong at bibig ang babae at sabi "Forget the drink... I'm buying some candy and some water... Good God!"